Kahandaan ng Barangay Greater Lagro sa sakuna

Ang Barangay Greater Lagro ay nakapaloob sa Novaliches, Quezon City na may populasyon na 34,538 at may lawak na 308 ektarya. Sakop din nito ang La Mesa Watershed na may 2,000 na ektaryang land area. Ito ay may labing-dalawa na purok at halos 1,890 na business establishments. May kalayuan ito na 19.3 kilometro mula sa University of Santo Tomas.

Hazard Identification

Nakapanayam ko si Ginoong Ricardo A. Orogo na Assistant ng Barangay Secretary ng Barangay Greater Lagro. Sa kanyang pagkakaalala, ang sakuna na tumama lamang sa barangay ay lindol na naganap noong July 16, 1990. Ito ay kilala bilang 1990 Luzon Earthquake na ang epicenter ay sa Rizal, Nueva Ecija, at hilagang-silangan ng Cabanatuan City sa magnitude na 7.7. Bukod pa rito, wala na panganib ang nakakaapekto nang matindi sa barangay tulad ng bagyo at baha. Bihira rin naman ang pagtama ng lindol sa lugar ng Quezon City. Kahit na ganoon, ang barangay ay handa at alerto kapag may sakunang dadating. Ayon sa kanya, ang Quezon City Risk Management ay nagpapaala sa mga barangay na may bagyong dadating o tatama sa lugar. Para sa iba pang sakuna tulad ng lindol, hindi naman ito nasusukat o napaghahandaan kaya wala silang babala o palatandaan bago rito.

Ang USGS ShakeMap na nagpapakita ng intensidad ng lindol noong July 16, 1990
Vulnerability, Elements, and People at Risk Assessment

Ang baha at bagyo ay hindi nagiging problema ng barangay dahil mataas ang topographic location at maaayos ang materyales ng mga bahay dito. Ang kinakaharap lamang na problema ng barangay kapag may bagyo ay mga natumbang puno at mga poste. Ayon nga sa kanya, ang pinakamataas na parte ng barangay ay kapantay ng tuktok ng Iglesia ni Cristo sa may Central Avenue. Kahit ito ay malapit sa La Mesa Dam, ang barangay ay hindi maaapektuhan dahil kapag ito ay umapaw diretso ito sa may Tullahan Bridge sa North Fairview.

Sinabi rin ni Ginoong Ricardo na kapag may sakuna pantay-pantay lamang ang magiging epekto nito; walang pinakaligtas at walang pinakadelikado na lugar. Isa sa inaasahan na sakuna ay ang lindol na “The Big One” na may magnitude na 7.2. Inaasahan na 350,000 na tao ang mamatay sa mga crowded areas at matataas na gusali. Ang pinakaepekto nito sa Barangay Greater Lagro ay mapuputol ang mga tulay ayon sa National Risk Management. Isa rito ang Tullahan Bridge sa may North Fairview at ang tulay sa Bayan. Mawawalan ng mga daanan at mahihiwalay ang barangay sa Quezon City na hahadlang sa pag-unlad ng pamayanan. Masisira din ang mga imprastruktura at maaaring mawalan ng pangkabuhayan ang mga mamamayan.

Tullahan Bridge (photo credits to the owner)
Capacity and Disaster Management Assessment

Ang barangay ay fully-equipped at ang mga tauhan ay well-trained kapag may sakunang dadating. Sa kasalukuyan, ang sistema ng barangay ay naka-angkla sa ipinapatupad na batas ng DILG. Ang barangay ay required na magreport ng mga plano at ang mga ginagawa quarterly. Mga mga responders, first aiders, ambulansya, at medical services ang barangay.
Nakapaloob sa Risk Reduction Management Plan na ipinapasa sa City Hall ay ang mga evacuation centers kapag may sakunang dadating. Sa Barangay Greater Lagro, ang evacuation centers ay sa Villa Vienna at Centennial Park dahil ito ay open spaces at walang masyadong establishment.

Para sa hinaharap may mga plano na dito magbabase ang Bureau of Fire Protection Emergency Medical Services na ang covered ay buong Northern NCR. Kaya ito ay isang malaking benepisyo sa barangay dahil magiging prioridad ang mga tao rito. Dagdag pa rito, magkakaroon sa susunod na taon ng Bike Patrol o Neighborhood Watch na mga naka-bike at may dala-dalang first aid kit sa bawat purok. Sa bawat lugar hindi lamang kapag may sakuna ngunit pati na rin mga krimen at aksidente, agad na reresponde ang mga Bike Patrol.

Kapag may sakuna, kaagapay ng barangay ay Disaster Risk Management Team, Barangay Peace and Order Council, Barangay Disaster Risk Management Council, Bureau and Fire Protection, Philippine National Police (PNP), Civil Society Organizations, at may mga NGO’s din na nakatalaga for Peace and Order and Rescue. Samakatuwid, pinakatulong ng barangay ay emergency response. Halimbawa nito ay noong nakaraan na bagyo, may mga natumbang mga poste at puno na tinugunan agad ng barangay.

Sa aking paglalakad sa komunidad, napansin ko na may mga daan na isinasaayos na maaaring pagmulan ng mga aksidente. May mga kalat din akong napansin sa daan, mga nakatambak na basura, at iba pa. Dahil ang lugar ay elevated, maaring maging delikado ang mga nagbibisikleta o mga sasakyan pababa. Ang pinakaisyu rito ay ang traffic na mararanasan papunta sa barangay dulot ng MRT-7. Maaari itong pagmulan ng aksidente dahil ang mga daan ay masisikip; kaya nahihirapan ang mga kotse na lumusot sa mga daanan. Kung hindi rin maayos ang pagkakatayo at walang safety precautions, maaari ito maging problema sa mga mamamayan na nasa daan at mga trabahador.

Kalaunan, ang mga pinapaayos na daan ay magiging benepisyo para sa mga mamamayan ng Barangay Greater Lagro lalo sa mga motorista. Napansin ko rin may mga nagpapatrol na nakabase sa papasok ng aming subdivision, sa may plaza, at sa itaas na parte. Ang Lagro Subdivision ay daanan talaga ng mga pampublikong sasakyan at maraming lusutan papunta dito kaya kailangan ng mas ligtas na sekuridad sa pamayanan. Malilinis naman ang mga daanan ng mga sasakyan dahil araw-araw naglilinis ang mga street sweeper dito ayon sa aking napagtanungan.

Maipagmamalaki ko na ang aming barangay ay kumpleto sa pasilidad. Mayroon kaming parke para sa recreational activities tinatawag na Centennial Park. Ito ay may playground, Badminton/Tennis Court, Basketball Court, Jogging Lane, at Multi-purpose Hall. Sa plaza naman, matatagpuan ang Barangay Hall, Barangay Peace Keeping Officer (BPSO), Community Service, Basketball Court, DayCare Center, at eskwelahan.

Dagdag pa rito, pa-minsan-minsan may clean-up drive ang barangay, Anti-Rabies Campaign, at Misting Operation. Sa loob ng barangay hall, may mapa ng barangay at mapa ng pagkakahati ng mga purok kasama na ang populasyon nito. Sa bulletin board, nakalagay ang mga notices to the public, ang ang pinaglalaanan ng budget ng barangay, at mga poster na napagpapaalala kapag may sunog, akyat-bahay, sakuna, at iba pa. Kamakailan lamang, ang Barangay Greater Lagro ay ang Second Hall of Famer in the search for Barangay Seal of Good Housekeeping at ang Day Care Center ay First Place sa Early Research Centers Category of HB Search for Resilience: Huwaran sa Kahandaan para sa Ligtas na Bayan 2018.

Photo Credits: Barangay Greater Lagro Official

Sa aking panayam, ang barangay ay handang-handa sa sakuna at walang silang masyadong isyu na kinakaharap. Tulad nga ng nabanggit ni Ginoong Ricardo, malaking advantage na aming lokasyon kaya bihira lang magkaproblema rito. Base naman sa karanasan ng aking pamilya, sumasang-ayon kami na hindi malala ang pinsala natatamo ng barangay kapag may mga bagyo at wala pa naman kaming nararanasan na lindol sa paninirahan namin dito. Ang lokal na gobyerno na rin ay katulong na ng barangay sa pagpapanatili ng kaligtasan ng mga mamamayan sa aming lugar. Ang kailangan na lamang ay maibahagi ang mga planong ito sa pamayanan. Madalas sa ekwelehan lamang naituturo ang mga ganitong impormasyon. Dahil may kalakihan ang lugar, maaari na maglagay sila ng sistema bawat purok. Kung mayroong ng nakatalagang plano rito, siguraduhin dapat ng barangay na lahat ng mamamayan ay alam at naiintidihan ang gagawin kung may mga sakunang dadating.

Ito ay maihahalintulad natin sa kalagayan ng ating bansa kapag may mga sakuna. Mayroon na tayong batas na Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 o ang Republic Act No. 10121 na may hangarin na palakasin ang Disaster Management sa Pilipinas na isang bansa madaling tamaan o prone sa sakuna. Mayroon na tayong mga pambansang institusyon at mga kagamitan na tumutulong na matukoy ang mga papadating na sakuna. Ngunit bakit malaki pa rin ang pinsala natatamo ng Pilipinas? Marahil kulang ang impormasyon na binibigay, hindi naiintidihan ng mga mamamayan ang mismong sakuna at ang magiging epekto nito o kaya hindi epektibo ang sistema ipinamamalakad ng mga institusyong ito sa mga partikular na lugar.

-Aking napagtanto na maayos at maganda ang pamamalakad ng aming barangay kapag may sakuna na dumadating. Tulad nga ng aking mga nabanggit, ito ay kumpleto sa pasilidad na makakatulong sa mga mamamayan kapag may emergency. Ang mga impormasyon na ito ay naibahagi ko na sa aking pamilya dahil ito ay makatutulong sa amin sa hinaharap. Mahalaga na tayo ay may alam sa mga gagawin kapag may sakunang dadating sa ating pamayanan dahil buhay natin ang nakasalalay dito. Dapat handa tayong matuto at ibihagi ang ating mga natutunan sa ating mga kasama sa pamayanan. Kung ito ay pagtutuunan ng pansin, maiiwasan at maaawas ang kalamidad na ating mararanasan.

Bilang isang miyembro ng komunidad, ako ay may kakayahan na maghatid ng impormayon ukol sa mga sakunang tumatama sa Pilipinas. Laganap na din ang paggamit ng mga social media na makatutulong na mapabilis ang pagpasa ng mga impormasyon. Importante na may kamalayan tayo sa mga partikular na sakuna madalas tumatama sa ating lugar para ito ay mapaghandaan. Kaakibat din nito ang pag-iintindi sa magiging epekto ng sakuna at ang sistema na pinapalakad sa kanilang pamayanan. Bukod pa dito, maaari na rin ako matuto ng first-aid o kaya tumulong sa mga gawain ng barangay.

Blog Header Photo Credits to Barangay Greater Lagro Official FB Page